Bago pa man ako makarating sa office, nasira na umaga ko. Masaya na sana ako dahil nung pagbaba ko sa sakayan, may jeep na agad na pwede kong sakyan. Kaya naman nagmadali akong makasakay dahil umaandar na yung jeep. Akalain mo ba namang pag-akyat ko eh hindi nakasampa yung paa ko dun sa tapakan! Dumulas yung harapan ng binti ko at sumadsad dun sa tapakan. Hindi ko na hinayaang maapektuhan ako ng ideyang nakakahiya yun dahil maraming nakakita—yung mga nakasakay sa jeep, yung mga tao sa sidewalk, at yung nasa kotseng nakasunod sa jeep. Kaswal na kaswal na lang akong umakyat nang maayos sa jeep at naupo sa may likod ng driver. Siyempre, kaswal pa rin ang drama ko. Kunwari ay medyo tinignan ko yung bandang ibaba ng pantalon ko kung madumi. Pa-kaswal ko rin tinignan yung lalaking halos kaharap ko at alam kong tinitignan pa rin ako. (Sa totoo lang, alam ko namang lahat sila sa jeep eh sinundan ako ng tingin, siyempre nga kasi nadapa ako. Pero di ko na sila tinignan—maliban dun sa kaharap ko. One is enough ika nga. Bwahaha)
Pero di nagtatapos doon ang lahat dahil makalipas ang ilang segundo, nalaman kong biyaya ng Diyos ang pagkakaupo ko sa dulo ng jeep kung saan kaharap ko ang hulog-ng-langit na basurahan na yun. Akalain mo ba namang pagkatapos kong kaswal na kaswal na tignan ang laylayan ng pantalon ko, nakita kong nadumihan din ng kalawang ang bag kong nakapatong sa hita ko. Ngunit nang i-angat ko ang bag para sana linisin, halos mag-panic ako nang maintindihan kong may tae ang pantalon ko. Anumang pag-asang putik lang iyon ay mabilis na naglaho. Bukod sa napakagandang pagkakapunas nito sa aking pantalon, napakaganda rin nung tae mismo—medyo bago-bago pa, pero natutuyo na. Pero para mas makulay ang buhay ko, espesyal na tae ang ipinahid sa akin ng kapalaran—fibrous na tae. Maganda yung fiber eh, ang haba. Pero ang malupit, ang pagtatanggal noon nang walang nakakakita. Pagkakita ko sa tae, mabilis kong tinignan yung mga pasaherong malapit sa akin. Syet, mabuti na lang di nila nakita. Isang segundo rin akong nakipagdebate sa sarili ko kung bababa ako sa jeep o hindi. Isang oras ang bubunuin ko sa jeep na yun na sigurado ay mapupuno. Pero ayokong mahuli sa opisina. Ginamit ko na lang na pantakip ang bag kong salamat sa Diyos ay medyo malapad. Pero ang mas pinasasalamat ko ay di ko nakalimutan dalhin ang cologne ko at bagong tissue. Dali-dali kong inahit ang tae (siyempre gamit ang tissue) at tinapon sa basurahan bago pa man may makakita. Lampas dalawang dosenang piraso ata ng tissue ang nagamit ko kakapunas. Grabe talaga. Buong biyahe parang naaamoy ko yung tae. Ewan ko talaga kung paano yun napunas sa bandang itaas ng pantalon ko, lintek. Napabili pa tuloy ako ng alcohol sa 7-Eleven. Mabuti na lang din may extra akong perang dinala. Grabe talaga. Scented tuloy ang buong araw ko.



Stumble it!